Top News, Video, World News

Padalang produkto ng OFW gaya ng mga de-lata, nabulok sa tagal bago dumating ng bagahe

Sa halip na matuwa, pagkainis ang naramdaman ng isang pamilya nang matanggap nila ang mga padala ng kanilang mahal sa buhay na nasa abroad. Sa tagal kasi bago nila natanggap ang padala, nabulok at ‘di na mapakinabangan ang mga laman nito gaya ng mga de lata.

Sa inaksyunang reklamo ng “Sumbungan Ng Bayan,” sinabing nawalan ng saysay ang ibinayad na P10,000.00 ng OFW na si Rodante Rollan Jr., mula sa Doha, Qatar, sa kompanyang ipinagkatiwala niya ang mga ipadadalang bagahe para sa kaniyang pamilya sa Pilipinas.

 

“Noong nagpadala ako sa Doha, Qatar it was November kasi nag-exit na po ako. Tapos sabi po nila in 45-50 days, mare-receive na raw namin yung bagahe,” kuwento ni Rollan.

Bago magpasko, umuwi na si Rodante sa Pilipinas, at inasahan niyang matatanggap nila ang ipinadala niyang bagahe bago magbagong taon.

Pero nakaalis na muli si Rollan, hindi pa rin dumating ang bago at inabot pa ng apat na buwan bago ito dumating.

Lalong nadismaya ang pamilya ni Rollan nang makita nila na nabubulok at may uod na ang laman ng padala.

Pinuntahan ng “Sumbungan ng Bayan” ang opisina ng DEEC freight forwarder and logistics sa Muntinlupa City. Ito umano ang local freight forwarding company ng Pinoy Cargo sa Pilipinas, at ang nagdeliver ng mga bagahe sa bahay ni Rollan.

Pero wala na sa lugar ang tanggapan umano ng nasabing kompanya at lumipat na sa Las Piñas.

Gayunman, hindi nakita sa Las Piñas ang naturang inirereklamong local freight forwarder.

Ilang beses din umano na nagpadala ang “Sumbungan ng Bayan,” ng sulat sa email at sa FB page ng Pinoy Cargo, na nasa Doha, Qatar ang opisina pero wala pa silang tugon.

Sa pagsasaliksik ng “Sumbungan ng Bayan,” napag-alaman na wala sa listahan ng accredited freight forwarders ang Pinoy Cargo at local counterpart nitong DEEC.

Ang naturang reklamo ay inilapit ng “Sumbungan ng Bayan” sa Fair Trade and Enforcement Bureau ng Department of Trade and Industry, na nakasasakop sa mga reklamo kaugnay ng mga padala.

Nagtakda ng pag-uusap ang DTI sa nagrereklamo at inirereklamong kompanya noong ikalawa ng Mayo pero hindi humarap ang inirereklamo.

Kung mapapatunayan ang paglabag ng Pinoy Cargo, maaari silang pagmultahin ng P50,000.00 o ma-blacklist dahil wala silang akreditasyon mula sa DTI.

Sa ngayon, isa pang pag-uusap ang itinakda ng DTI sa magkabilang panig.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *